Pages

Friday, January 27, 2012

Mga Nagpa WOW sa Davao!


Mga Nagpa WOW sa Davao!



Nakapunta ka na ba sa Davao? Kung hindi pa ay siguradong marami ka nang naririnig na magagandang bagay tungkol sa siyudad na ito. Marami mang nauulat na krimen dito sa Davao ay masasabi kong isa ito sa mapayapang siyudad. Malaki kasi ang respeto ng mga tao sa mga namumuno sa siyudad na ito lalo na sa Mayor at Bise Mayor.

Isa sa mga kilalang lugar dito sa Davao ay ang Boulevard. Kapag naririnig ko ang salitang “Boulevard” ay hindi ko maiwasang makadama ng takot. Isa kasi ito sa lugar dito sa Davao City na sinasabi nilang maraming kriminal na namumugad. Marami na rin akong napapanood sa telebisyon nang may kaugnayan sa lugar na ito gaya ng pag-raid sa mga nagbebenta ng ilegal na droga, paghuli sa mag magnanakaw na sa Boulevard nakatira at patayan. Gayunpaman ay naniniwala ako na marami paring mararangal na nakatira dito dahil mismo ako ay naranasan kong tumira sa Boulevard at marami akong mga naging kaibigan dito.

Kung may magugulo sa siyudad na ito ay meron din namang tagabantay ng kapayapaan. Maliban sa mga pulis at sundalo ay may tinatawag na ”Task Force Davao”. Takot lang ng mga masasama ang loob na pumasok sa Davao dahil kapag nanggulo sila ay tiyak na wala silang kawala sa checkpoint ng mga task force. Napakahigpit ng namamahala sa Davao pagdating sa kaligtasan ng mga taong nakatira dito.

Nakilala rin ang Davao dahil sa makulay at masayang pagdiriwang, ang Kadayawan Festival. Sa pagdiriwang na ito ay maraming artista ang pumupunta dito sa Davao upang makisali sa parada. Maraming mga tao ang nasisiyahan dahil nakakawayan nila ang kanilang mga paboritong artista. Marami ring mga dayuhan ang pumupunta dito upang makisaya at kumuha ng mga larawan. Marami ding mga prutas sa panahong ito na mabibili mo sa mababang presyo.

Kung ikaw naman ay nababagot, maaari kang pumunta sa mall. Marami nang mall dito sa Davao. Nariyan ang Gaisano, NCCC, SM at Abreeze Mall na kabilang sa pinakasikat na mall dito sa Davao. Tiyak na kapag pumunta ka dito ay mawawala ang iyong pagkabagot dahil marami kang pwedeng gawin sa mall gaya nang mag shopping, mag window shopping at mag food trip.

Kung ang hilig mo naman ay adventure, maari mong akyatin ang bundok na Mt. Apo na dito lang matatagpuan sa Davao. Tiyak na malilibang ka! Dito rin makikita ang isang bulaklak na kung tawagin ay waling-waling na nakakabighani ang amoy.

At sinong taga Davao ang hindi nakakakilala sa jeep na uso-uso? Sa bilis ba naman magpatakbo ng mga jeep na ito ay tiyak na makakarating ka sa iyong pupuntahan nang hindi nahuhuli. Pag nagpabagal-bagal ka ay tiyak na hindi ka makakasakay nang uso-uso dahil pinag-aagawan itong masakyan ng mga tao. Minsan nga ay kailangan mo pang makipagsiksikan makasakay lang sa mga jeep na ito.

Matinik ngunit masarap! Iyan ang Durian na sumisimbolo na sa Davao. Dahil sa sarap nang prutas na ito ay maraming dumadayo pa sa Davao upang matikman lang ito. May nagsasabi na mabaho ang amoy nang Durian pero ang lasa nito ay walang kapantay sa sarap. Maraming nang produkto na gawa sa Durian. Nariyan ang mag kendi at iba mga minatamis. Bumabaha rin ng Durian tuwing magdiriwang ng kadayawan. Pero hinay-hinay ka sa pagkain nang Durian dahil nagpapataas ito ng blood pressure. Kaya tumikim kana ng Durian.

Sadyang malayo na ang narating ng siyudad ng Davao. Kung ang lahat nang mga namumuno sa kanilang bayan ay magiging responsible sa kanilang mga tungkulin sa bayan ay tiyak na uunlad tulad sa Davao City.
                                                                                                     -Aiza C. Esguerra




No comments:

Post a Comment