Pages

Sunday, March 11, 2012

TALAMBUHAY


Ang Silip ng Aking Buhay

            Sampu’t pitong taon na ang nakaraan, sa barangay Ilang lungsod ng Dabaw may isang batang isinilang, nang ika-dalawampu’t siyam ng Marso, taong isanlibu’t siyam na raan siyamnapu’t apat. Siya ang naging bunga nang matamis na pagmamahalan ni G. Noel M. Idpalina na tubong Ilang at Gng. Liza B. Idpalina na tubong Dawan, Mati Davao Oriental. Hindi niya lubos maisip kung ano’ng nangyari matapos siyang ipanganak ng kanyang ina. Sa mga panahon daw’ng iyon wala ang ama niya, nasa trabaho ito, sabi ng kanyang ina. Pinangalanan siyang “Sheena Liz B. Idpalina”, ang pangalang bansag sa kanya. Hindi niya alam kung ito ba’y nakatakdang maging kanya, datapwat napapansin niya kinalaunan sa bawat batang isinisilang kapag hindi sila komportable sa kanilang pangalan ay palagi itong nagkakasakit at kapag tinatawag sila gamit ang kanilang pangalan ay umiiyak. Pero sa napansin niya naman ay naaayon naman ang ibinigay na pangalan sa kanya. Ang pangalan niya ay hango sa pangalan nang isang sikat na batang artista sa isang magazin na dala ng kanyang tiyahin nang siya ay galing sa ibang lugar, mala-anghel daw ang mukha’t napakaganda ang kanilang nasilayan sa magazin na iyon at ang pangalan niya ay Sheena kaya ‘Sheena’ ang unang salita ng kanyang pangalan. At ang salitang Liz naman na kadugtong sa unang niyang pangalan ay nagmula sa pangalan ng kanyang ina. Siya ang panganay sa tatlong magkakapatid, may dalawa siyang makukulit, magaganda, at malulusog na mga kapatid na babae. Hindi siya biniyayaan na magkaroon ng kapatid na lalaki, gustuhin niya man pero siya rin ay nagdesisyon na hindi na balakin na magkaroon pa ng kapatid, dahil sa masyadong mahirap na ang buhay ngayon. Kaya naman nag-iisang uniko iho ang kanyang ama.
            Mahilig siya sa mga matatamis at maaanghang na pagkain, hindi siya mapili pero metikulosa naman siya pagdating sa kung sino at paano niluto ang pagkain. Simple’t masunurin sa magulang, matiisin, matiyaga, konserbatibo, negatibo kung mag-isip, masinop sa pag-aaral, palakaibigan pero namimili nang makakasama, malambing talaga siya kung inyong susuriin, makulit, pasaway, tahimik pagmalalim ang iniisip, palabiro minsan at matindi rin kung magalit pero hindi marunong magtanim ng galit sa kapwa. Samakatuwid may takot sa diyos, mapagmahal sa pamilya’t kaibigan man o kaaway, at marunong rumispito sa kapwa tao.
            Noong siya ay hindi pa pumapasok sa paaralan ay hindi siya pinapayagan ng mama niya na maglakwatsa, lumabas ng bahay na hindi nagpapa-alam at dapat magmano sa mga nakakatanda. Ang ina niya ang itinuring niyang una guro, hindi lang sa pagmememorya ng alpabeto, pagbibilang ng numero, pagsusulat ng pangalan at letra, pati na rin ang pagbabasa – ang maga itinuro ng kanyang ina, at siyempre pa ang pagdarasal at pananalig sa Diyos, at maging ang mga mabubuting gawain. Hindi man nakatungtung nang kolehiyo ang mama niya, sa halip ay maituturing niyang napakatalino’t napakahusay nito. Naala pa niya, isang hapon pinipilit siyang matulog ng ina niya ngunit ‘di niya gusto, dahil mas gugustuhin niya pang maglaro’t magbilad sa araw kasama ng mga batang kapitbahay. Ngunit ni-isang pagkakataon ay hindi siya napabigyan, kaya tuloy naisipan niyang libangin ang ina niya nang ito ay makatulog sa kakabantay sa kanya. Nang mangyari iyon ay dali-dali siyang pumanaog sa kanilang silong at tumakbo palayo sa bahay. Ngunit biglang nagising ang ina niya’t namalayang wala na siya sa tabi nito. Nang biglang may isang napakalaki’t nakakatakot na tinig ang kanyang narinig, hayon na ang mama niya, “Sshheeeeeennnaaaaaa!”. Nanginig sa takot at biglang kinabahan bumibilis ang pagtibok ng kanyang puso, abot-abot ang kanyang hininga. PATAY NA! Ang sabi niya sa sarili. Nang makita niya ang ina na may bitbit na pamalo, at sa tingin niyang para ‘yon sa kanya, agad siyang napatakbo pauwi ng bahay at doon… pinagpapalo siya sa puwit, pinaluhod at pinapangakong hindi uulitin ang ganoong gawain. Sabi pa ng mama niya sa kanya, ayaw pa raw makinig sa kanya, matigas na daw masyado ang ulo nito’t nasusuway na ang mga bilin sa kanya. At simula noon ay hindi na siya muling nakakapunta o nakakapasyal sa kanilang kapitbahay lalong lalo na sa malalayong lugar. Masakit at nakakalungkot man isipin at aminin minsan sa buhay bata niya ay meron siyang hindi nararanasan na nararanasan ng ibang bata. Pero nang siya ay nagkamalay ay unti-unti niyang naiintindihan at nauunawaan kung bakit minsan sa buhay natin ay pinaghihigpitan tayo nang ating mga magulang.
            Nang siya ay pumasok na nang eskwelahan ay doon na nagsimula ang mga hamon sa buhay. Naging mahirap pero masaya niyang napagdadaanan ang lahat ng pagsubok na dumarating sa kanya. Minsan napapaisip siya kung importante ba ang magkaroon nang meron ang iba. Kasi para sa kanya kung ano lang ang dapat at importante ay siyang mahalaga, subalit minsan sa buhay ng tao ay dapat alam niya kung paano makibagay sa uri ng pamumuhay ang meron ang iba. Hindi sa pagiging hindi pagkamakatotoo sa sarili pero basi sa paningin, paniniwala at pananaw nang ibang tao, importante ng makabaka tayo. Mahirap ipaliwanag pero ito katutuhanan na pilit niyang inuunawa mapaghanggang ngayon.
            Hindi siya anak nang isang hari at reyna, maharlika, dugong bughaw, presidente o sinumang makapangyarihan dito sa mundo. Ngunit taas noo siyang ipinagmamalaki na nagkaroon siya ng mga magulang na kagaya ng magulang na meron siya, hindi man sila perpekto kahit papaano ay nagagampanan naman nila ang papel ng pagiging magulang, kumpara sa ibang bata. Namulat siya sa buhay na salat sa mga materyal na bagay pero puno naman siya sa pagmamahal, pangangalaga at pangangaral. Kapos man sa pera pero kahit papaano nasusustentuhan naman ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa abot ng kanilang makakaya. Marahil hindi man sila ganoon ka-expressive pagdating sa mga matatamis na salitang gusto nilang marinig mula sa kanilang mga magulang ngunit nararamdaman naman nila kung gaano sila kamahal ng kanilang mga magulang. Masisilayan naman ito sa kanilang paghihirap at pagsusumikap para lang matustusan ang kanilang pag-aaral upang magkaroon ng magandang kinabukasan.

No comments:

Post a Comment