Pages

Saturday, March 10, 2012

"AKO AT ANG SALAMIN NG BUHAY KO" ( Talambuhay)




Jorix Sabondo Lipongo
BTTE-2C

            Ang buhay ng tao ay napakakulay at nababalot ng hiwaga; puno ng tuwa ngunit kaakibat ay lungkot, sa likod ng maliwanag na landas ay ang madilim na tatahakin, sa kabila ng paghihirap ay may maginhawang bukas, may darating pero may lilisan naman. Ang lahat ng ito ay sangat ng buhay ko. Hindi ko sukat akalain na mangyayari ang mga bagay-bagay na hindi ko inaasahan sa aking buhay.

            Lumaki ako sa isang simpleng pamilya na naninirahan sa tabi ng ilog, ako si Jorix Sabondo Lipongo. Pagsasaka at pangingisda ang hanap buhay ng aking mga  magulang na sina Josephine at Rufino Nakahara na ipinagmamalaki ko sa tuwina. Madalas akong sumama tuwing umaga kay Itay sa pangingisda, sa murang edad ay namulat ako sa trabahong ito. Tuwing hapon naman ay subsob kami sa trabaho sa sakahan ngunit hindi ko ininda ang init at pagod dahil kami ay sama-sama. Si Inay naman ay abala sa paghahanda ng pagkain na kanyang dadalhin sa amin. Napakasarap kumain na buo ang pamilya, puno ng kasiyahan at pagmamahalan, nagkakamay kaming kumain sa dalang pagkain ni Inay. Masarap  na alimango, hipon,isda at gulay ang siyang aming pinagsasaluhan sa ilalim ng puno malapit sa sakahan. Pagsapit ng gabi ay nagkakantahan sa loob ng kubo sa saliw ng tugtugin ni ama, ilaw ay lampara ngunit daig ang bumbilya dahil sa saya. Sabay-sabay kaming matulog pagsapit ng alas otso ng gabi at sabay ding babangon sa panibagong umaga. Ang lahat ng ito ay siyang naging karanasan ko sa aking kamusmusan.

            Ngunit sa mundong ito ay walang permanente, ang mga bagay-bagay ay nagbabago. Dumating ang araw na ako ay mag-aaral na, sinundan pa ito ng pagtaas ng mga bilihin at nagkaroon ako ng isang kapatid. Batid ko ang hirap ni Itay matugunan lamang aming pangangailangan sa bawat araw. Gatas palang ng kapatid ko, baon ko sa eskwela, mga proyekto at babayarin sa paaralan ay alam ko nabibigatan na si Itay. Sa murang edad kong ito ay tanaw at ramdam ko ang kahirapan. Minsan wala ni isang kusing si Itay na maibigay ngunit hindi ito niging hadlang sa pag-aaral ko. Maslalo akong nagsikap dahil sa mga karanasan kong ito; ayaw kong maranasan ng anak ko sa hinaharap ang mga nadaanan ko. Sa awa ng Diyos nakapagtapos ako ng elementarya sa Carmen Central Elem. School, umani ako ng maraming parangal; naging honor at kinilala ng marami dahil sa mga parangal na naambag ko sa paaralan galing sa mga larangang aking nasalihan. Laking pasasalamat ko sa angking kakayahan na ipinagkaloob ng  Diyos Ama sa akin. 

            Sa sekondarya, ay maganda din ang naging takbo ng pag-aaral ko maliban sa isang hindi ko malilimutang karanasan. CAT namin ng biglang sumama ang pakiramdam ko; umuwi ako sa bahay at nagpahinga, wala si mama at papa kaya natulog nalang ako. Hindi ko inakalang mawawalan  ako ng malay, nadatnan ako ni papa na nanginginig, nanlalamig, walang malay at lupaypay ang katawan. Pagmulat ko ay nasa ospital na ako; sabi ng doctor na kung hindi ako naabutan ni papa ay wala na sana ako sa mundong ito. Hindi ako nakapasok sa loob ng anim na araw. Wala akong ibang ginawa sa ospital kundi ang magbasa sa mga araling hindi ako nakapasok. Nasa bahay pagamutan man ay determinado parin akong mag-aral. Nagbunga ang lahat ng pagsisikap ko, nagtapos ako bilang first honorable mention sa Carmen National High School.

 Sa pag-usbong ng panahon ay tumitindi rin ang pangangailangan, magtatapos na ang aking kapatid sa sekondarya habang ako naman ay kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo. Ako din sa ngayon ang siyang tumatayong ama sa bahay.  Nangibang bansa ang aking ama mahigit isang taon na namin siyang hindi kapiling. Isa ito sa pinakasakit na bahagi ng buhay ko. Damang-dama ko pa ang hapdi at lungkot hanggang ngayon lalo na pagdaan ko sa airport. Natatandaan ko ang mukha at salitang binitiwan ni papa sa mga huling araw na iyon; namumula ang nga mata ngunit pinigil ang pag-iyak, niyakap kami ng napakahigpit sabay sabing “Dili ko gusto makit-an mo nga maghilak, pagtarong mong duha sa pag-eskwela, ayaw mo pabadlong sa imong mama, para ni sa inyo, pagbinut-an mo”. Nakatingin sa amin habang papasok sa loob dala ang maleta niya. Sa mga sandaling iyon ay parang hiniwa ang puso ko na tila ba napakasakit ng aking naramdaman. Napakasakit ng naranasan kong ito, ngunit alam ko mas masakit at mas mabigat ang naramdaman ni Itay habang papuntang Japan. Sa ngayon ay kasalukuyan akong nag-aaral sa University of Southeastern Philippines sa ilalim ng kursong BTTE major in HVAC/R. Namamalagi ako ngayon sa P1-A Asuncion Carmen Davao Del Norte kasama ang aking mama at kapatid na si Rufino. At ito ang istorya ng aking buhay.
           

No comments:

Post a Comment